Nagbabala ang embahada ng Pilipinas sa Washington laban sa maling impormasyon na kumakalat sa social media na nagsasabing nagsagawa umano ang pamahalaan ng Amerika ng paghihigpit o crackdown laban sa mga dual citizen.

"This is not true," ayon sa abiso ng embahada na makikita sa kanilang official website nitong Martes.

"As stated in our previous advisory, the U.S. government has not implemented any policy changes regarding dual citizenship," pahayag ng embahada matapos muling kumalat ang isang video na nagdulot ng pangamba sa ilang Filipino-Americans.

Ayon sa embahada, kinikilala pa rin ng US na maaaring magkaroon ng higit sa isang citizenship ang isang tao na nasa kanilang bansa.

"There is no new policy requiring dual citizens to renounce another nationality, nor is there a crackdown underway," saad ng embahada. "We urge the Filipino community to verify information through official government sources, avoid sharing unverified content, and report false information to the platform where it is published."

Nanawagan ang embahada sa Filipino community na tiyakin muna ang katotohanan ng mga impormasyon sa pamamagitan ng official government sources, at iwasang magbahagi ng hindi beripikadong nakikita sa social media. Dapat din umanong iulat ang maling impormasyon sa platform kung saan nila ito nakita.

Pinayuhan din ng embahada ang mga Filipino-American na huwag gumawa ng desisyong legal gaya ng pagsusuko ng kanilang Philippine citizenship base lamang sa mga nakikita sa social media.

Batay sa Republic Act No. 9225 o ang Dual Citizenship Law, ang mga natural-born Filipino na naging naturalized citizen ng ibang bansa ay maaaring muling makuha ang kanilang pagkamamamayang Pilipino kung sila ay nasa edad 18 pataas.

"Renunciation of Philippine citizenship is a serious, irreversible legal action," ayon sa embahada. — mula sa ulat ni Michaela Del Callar/FRJ GMA Integrated News