Nalampasan na umano ng India ang Japan bilang ikaapat na bansa na may pinakamalaking ekonomiya sa mundo, at umaasa na sunod naman nitong hahakbangan ang ekonomiya ng Germany sa loob ng susunod na tatlong taon.

Inihayag ito ng India batay sa kanilang taunang pagsusuri sa kanilang ekonomiya sa pagtatapos ng taon. Gayunman, nakasalalay ang opisyal na kumpirmasyon sa datos na ilalabas sa 2026.

Kasabay ito ng paglabas ng pinal na taunang datos ng gross domestic product (GDP), at may pahiwatig ang International Monetary Fund (IMF) na posibleng higitan nga ng India ang ekonomiya ng Japan sa susunod na taon.

"India is among the world's fastest-growing major economies and is well-positioned to sustain this momentum," ayon sa economic briefing note ng gobyerno na inilabas kamakailan.

"With GDP valued at $4.18 trillion, India has surpassed Japan to become the world's fourth-largest economy, and is poised to displace Germany from the third rank in the next two-and-a-half to three years, with projected GDP of $7.3 trillion by 2030," dagdag nito.

Sa pagtaya ng IMF para sa 2026, aabot sa $4.51 trilyon ang ekonomiya ng India, kumpara sa $4.46 trilyon ng Japan.

Lumabas ang positibong pagtataya ng New Delhi sa kabila ng mga pangamba sa ekonomiya matapos ipataw ng Washington noong Agosto ang malalaking taripa laban sa New Delhi dahil sa pagbili nito ng langis mula sa Russia.

Ayon sa India, ang patuloy na paglago ng kanilang ekonomiya ay sumasalamin sa kanilang katatagan sa gitna ng patuloy na kawalang-katiyakan sa pandaigdigang kalakalan.

Ngunit may iba pang sukatan na nagpapakita nang hindi gaanong kagandahan na kalagayan para sa India.

Sa usapin ng populasyon, nalampasan ng India ang karatig nitong bansa na China bilang pinakamataong bansa sa mundo noong 2023.

Noong 2024, nasa $2,694 ang GDP per capita ng India, ayon sa pinakabagong datos ng World Bank. Katumbas ito ng 12 beses na mas mababa kumpara sa $32,487 ng Japan, at 20 beses na mas mababa kaysa $56,103 ng Germany.

Bukod dito, mahigit sa sangkapat [quarter] ng 1.4 bilyong populasyon ng India ay may edad na 10 hanggang 26, ayon sa mga datos ng gobyerno. Sa naturang bilang, nahihirapan na umano ang bansa na lumikha ng mga trabahong may mataas na sahod para sa milyun-milyong kabataang nagtapos sa pag-aaral.

"As one of the world's youngest nations, India's growth story is being shaped by its ability to generate quality employment that productively absorbs its expanding workforce and delivers inclusive, sustainable growth," ayon sa tala.

Ngayong taon, inilunsad ni Prime Minister Narendra Modi, ang malawakang pagbawas sa buwis sa konsumo at itinulak ang mga reporma sa batas sa paggawa matapos bumagsak sa pinakamababang antas sa loob ng apat na taon ang paglago ng ekonomiya sa loob ng 12 buwan na nagtapos noong Marso 31.

Umabot sa pinakamababang rekord ang rupee ng India laban sa dolyar noong unang bahagi ng Disyembre na umabot sa humigit-kumulang limang porsiyento noong 2025. Bunga ito ng patuloy na pangamba sa kawalan ng kasunduang pangkalakalan sa Washington at sa epekto ng mga taripa sa mga produkto ng bansa.

Taong 2022 nang maging ikalimang pinakamalaking ekonomiya sa mundo ang India, nang malampasan nito ang GDP ng Britanya, ayon sa mga datos ng IMF. — mula sa ulat ng Agence France-Presse/FRJ GMA Integrated News