Muling nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko na nais magtrabaho sa ibang bansa na mag-ingat laban sa mga modus at sindikatong illegal recruiters na nag-aalok ng mga trabaho sa abroad na idinadaan ang iba sa social media.
Ginawa ng DMW ang paalala matapos ang matagumpay na repatriation kamakailan ng 190 Pinoy na naging biktima ng human trafficking (HTVs) mula sa Cambodia.
Ayon sa DMW, karamihan sa mga biktima ay na-recruit sa pamamagitan ng mapanlinlang na alok na trabaho online, at may pangakong mataas na sahod. Ngunit sa huli, nauuwi ang biktima sa pagtatrabaho sa ilalim ng mapang-abuso at mapagsamantala umanong mga kondisyon.
“Matagal na tayong nagpapaalala laban sa illegal recruitment, kasama ang IACAT [Inter-Agency Council Against Trafficking]. Ang paalala natin ay simple lang: kapag hindi dumaan sa DMW, iyan ang numero unong red flag. Ibig sabihin, walang lisensyadong ahensya,” ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac.
“O kahit yung taong kausap mo ay puro Telegram, Facebook, o social media, malinaw na scam iyan,” patuloy niya.
Hinikayat ni Cacdac ang publiko na palaging beripikahin sa DMW kung lehitimo ang napiling agency at kung may mga aprubadong job order.
Kung “too good to be true” umano ang alok na trabaho na nakikita sa social media, dapat na huwag na itong pansinin.—FRJ GMA Integrated News

