Matapos mapatalsik sa Miami Open, sa clay-court sa Upper Austria Ladies Linz Open naman sasabak ang Pinay tennis star na si Alex Eala.

Kasama si Eala sa WTA500 tournament draw ang ilan sa malalakas na manlalaro gaya ng defending champion na si Ekaterina Alexandrova, Clara Tauson, Emma Raducanu, Emma Navarro, Jelena Ostapenko, at Sorana Cirstea.

Nitong Lunes, nagwakas ang kampanya ng 20-anyos na si Eala sa 2026 Miami Open, matapos siyang matalo kay Karolina Muchova ng Czech Republic sa Round of 16.

Tumanggap si Eala ng 6-0, 6-2 na kabiguan laban kay Muchova sa naturang torneo.

Samantala, noong 2025, tinalo ni Alexandrova si Dayana Yastremska sa finals sa score na 6-2, 3-6, 7-5. Ang iba pang mga nagwagi noon ay sina Ostapenko noong 2024, Anastasia Potapova noong 2023, at Alison Riske-Amritraj noong 2021.

Namayani rin ang World No. 1 na si Aryna Sabalenka ang torneo noong 2020 habang dominado ito ni Coco Gauff noong 2019.

Gaganapin ang torneo mula Abril 6 hanggang 12 sa indoor clay courts ng Design Center Linz sa Austria. --Bea Micaller GMA Integrated News