Isang babaeng female overseas Filipino worker (OFW) ang nakita sa viral video online na sinipa ng isang lalaking dayuhan sa loob ng isang mall sa Singapore.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, ipinakita sa video footage na nag-uusap ang dalawa hanggang sa maglakad palayo ang babae at sinundan siya ng dayuhan.

Hindi nagtagal, sinipa ng dayuhan ang babae na napatumba. Pero kahit nakahiga na sa sahig ang biktima, muli pa siyang sinipa ng lalaki pero nakailag ang babae.

Ayon sa Department of Migrant Workers, natunton at nakilala na ng Philippine labor attaché sa Singapore ang babae sa video. Kinausap na rin ang babae para sa tulong na kailangan niya.

“Nag-uusap na yung ating Migrant Workers Office labor attaché in Singapore, but ngayon inaalam pa natin ang exact cause ng pangyayari and of course, medical assistance is the most basic there, and of course, yung filing of the complaint, our lawyer would stand ready to help her,” pahayag ni DMW Secretary Hans Cacdac. 

Ikinuwento na rin ng OFW sa labor attaché ang nangyari pero tumanggi na muna si Cacdac na isapubliko ang detalye nito.

“It’s assault, physical assault. It’s a crime anywhere in the world, especially in Singapore. We are looking into it and filing the necessary legal actions,” saad ng kalihim. —FRJ GMA Integrated News