Patay ang mag-asawang senior citizens at apo nilang apat na taong gulang lang matapos silang pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Indang, Cavite. Ang bata, nagtamo ng dalawang tao ng bala sa katawan.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing limang tama ng bala ang tinamo ng 63-anyos na lolo, habang tatlong beses namang binaril ang 62-anyos na lola.
Ang kanilang apo, tinaniman sa katawan ng dalawalang bala.
Sa tulong ng saksi, naaresto ang isang suspek na magsasaka na kakilala ng biktimang lolo, na isa ring magsasaka. Sumuko naman kinalaunan ang isa pang suspek.
Ayon kay Police Major Ian Jasper Makimot Montoya, lumitaw na nagkaroon ng alitan ang mga suspek at ang lolo ilang buwan na ang nakalilipas.
Desidido naman ang mga kaanak ng biktima na kasuhan ang dalawang suspek, na tumangging magbigay ng pahayag.
“Walang halaga sa amin ang pera, kahit ilang milyon po ang itutumbas di po namin tatanggapin, habang buhay po talaga silang makukulong,” ayon sa kaanak ng mga biktima.—FRJ GMA News
