Nanawagan ng mensahe ng pagmamahal, pagpapatawad at pagkahabag si Doug Kramer at ang kaniyang pamilya ngayong laman ng mga usapin sa social media ang kapatid ni Chesca Kramer na si Patrick Garcia, matapos nitong magsalita sa relasyon noon kay Jennylyn Mercado.
“Fight hate with Love. Resentment with Light. Cruelty is an echo of unrest within. Yet not every stone thrown is purely blind. Perfection isn’t human; we all stumble along the way,” saad sa Facebook page ng Team Kramer, pati na rin sa Instagram ni Doug.
Paghihikayat ng post, kinakailangan ng grasya at pagpapatawad para sa bawat isa, dahil may nakakasakit at may nasasaktan.
“Grace is needed both ways—we all hurt others, and we also feel pain. So extend forgiveness generously; none of us walk with clean hands,” saad sa post.
“Hold fast to your warmth and keep moving forward. Refuse to return the sting. And let Compassion break the heavy chain,” dagdag nito.
Naging laman ng atensyon si Patrick matapos siyang magsalita sa kaniyang panayam kay Ogie Diaz, at binalikan ang nakaraang relasyon kay Jennylyn. Doon, ibinahagi niya ang kaniyang panig, kasama na ang tungkol sa kanilang anak na si Alex Jazz.
Sinabi ni Patrick na nagsasalita siya matapos makatanggap ang kaniyang anak ng pamba-baash sa social media dahil sa kaniya.
Dahil dito, nag-react at sumulat din ng isang maikling mensahe sa social media ang asawa ni Jennylyn na si Dennis Trillo.
"Hindi ako pabor sa bashing, pero salamat at naalala mo si Jazz dahil sa pag bash sa anak mo. Spread love, not hate," sabi ni Dennis.
Hinikayat pa ni Dennis na itigil ang bashing, at sinabing "Past is past."
Tumanggi naman nang magkomento pa si Jennylyn. — Jamil Santos/VBL GMA News

