Maliban sa mahal ang gastusin habang nabubuhay, kailangan ding harapin ng maraming pamilyang Pilipino ang mahal na gastusin kapag may mahal sa buhay na binawian ng buhay. Mula sa pagbili ng kabaong o cremation, burol, bayad sa libingan o columbarium, at iba pang paghahanda, na kadalasan ay kailangang bayaran sa maikling panahon.

Depende sa mga serbisyong pipiliin ng pamilya at sa lugar na paglalagakan ng labi ng yumao, maaaring umabot sa libo-libo hanggang daan-daang libong piso ang kabuuang gastos. May mga karagdagang bayarin din, gaya ng lapida at iba pang pangangailangan sa libing, na hindi pa kasama sa presyo ng package.

Narito ang ilan sa mga gastusing maaaring harapin ng mga pamilya sa paghahanda ng burol at libing, mula sa serbisyo ng punerarya at halaga ng burol hanggang sa paglilibing at cremation.

Gastos sa burol

Isa sa mga unang kailangang paghandaan ng pamilya ang package ng serbisyo ng punerarya. Maaaring kasama rito ang kabaong, pag-embalsamo at paghahanda sa labi ng namatay, transportasyon, at mga kagamitan sa burol.

Halimbawa, nag-aalok ang San Fernando Funeral Homes sa Quezon City ng basic package na may wooden casket na nagsisimula sa halagang P65,000.

Kasama sa package ang pagkuha sa labi ng namatay mula sa ospital at paghahatid nito sa punerarya, mga kagamita sa burol gaya ng ilaw at karpet, simpleng ayos ng mga bulaklak, at tulong sa pagproseso ng mga dokumento. Maaari pang magkaroon ng karagdagang bayad sa transportasyon depende sa destinasyon.

Lamay

Bukod sa kabaong at paghahanda sa labi ng yumao, maaaring kailanganin ding magbayad ang pamilya para sa lugar na pagbuburulan kung hindi nila ito gustong gawin sa kanilang tahanan.

Para sa mga pipili na gawin ang burol sa kapilya ng punerarya, kailangang isaalang-alang ang bayad sa pag-upa na kada araw ang presyo.

Nag-aalok ang San Fernando Funeral Homes ng mga sumusunod na halaga:

  • P10,000 kada araw para sa kapilyang may air-conditioning;
  • P18,000 kada araw para sa kapilyang may pangkaraniwang comfort room; at
  • P25,000 kada araw para sa mas malaking kapilyang may silid para sa pamilya.

Para naman sa mga mas gustong gawin ang burol sa kanilang bahay, nag-aalok ang punerarya ng package para sa mga kagamitan sa lamay. Gayunman, maaaring may karagdagang bayad depende sa lokasyon at mga serbisyong kakailanganin.

Iba pang gastusin sa burol

Bukod sa package ng punerarya, maaari pang magkaroon ng iba pang gastusin ang pamilya kaugnay ng burol at lamay.

Kabilang dito ang damit ng yumao, naka-frame na larawan na ilalagay sa burol, mga kandila, mga bulaklak, at iba pang dekorasyong gagamitin sa lugar ng viewing.

Kung sa bahay idaraos ang burol, maaaring kailangan ding umupa ng mga tolda, upuan, mesa, bentilador, at iba pang kagamitan upang makatanggap nang maayos ng mga bisita. Nag-iiba ang halaga depende sa tagal ng burol, dami ng bisita, at mga serbisyong kakailanganin.

Kailangan ding paglaanan ng pondo ang pagkain, kape, tubig, at iba pang inumin o pagkaing ihahain sa mga bisitang darating upang makiramay.

Depende sa pananampalataya, paniniwala, at tradisyon ng pamilya, maaari din silang magdaos ng mga serbisyong panrelihiyon o paggunita bilang bahagi ng paghahanda sa burol at libing.

Maaaring kabilang dito ang kusang-loob na mga donasyon, honorarium para sa mga lider ng relihiyon, paggamit ng lugar sambahan, serbisyo ng choir, at iba pang gastusin sa seremonya. Nag-iiba ang halaga at mga kinakailangan depende sa relihiyon ng pamilya at mga patakaran ng organisasyong panrelihiyon.

Huling hantungan

Para sa mga pamilyang pipili ng tradisyonal na libing, isa sa pinakamalaking gastusin ang pagbili ng lote sa sementeryo.

Nag-iiba ang presyo depende sa memorial park, lokasyon, laki ng lote, espasyong available, at uri ng property. May ilang memorial park na nag-aalok ng hulugang bayad, habang magkakaiba rin ang presyo ng mga lawn lot, family estate, at iba pang lugar na paglalagakan ng labi.

Sa Golden Haven sa Las Piñas City, nagsisimula sa P60,000 ang presyo ng mga memorial lot. Nakadepende ang aktuwal na halaga sa lokasyon, laki, at katangian ng lote.

Sa Heritage Memorial Park sa Bayani Road, Taguig City, nasa P300,000 ang presyo ng isang regular lawn lot. Hindi pa kasama rito ang contract price na may value-added tax (VAT) at mga bayad sa facilitation o administrative fees.

May sukat ang lote na 2.44 metro ang haba at isang metro ang lapad. Maaari itong paglagyan ng hanggang dalawang full-body vault sa pamamagitan ng double-depth burial, at apat na set ng mga buto o abo ng yumao sa bawat lalim.

Nag-aalok ang Heritage Memorial Park ng mga hulugang bayad na maaaring tumagal sa loob ng isa, dalawa, o tatlong taon.

Sa ilang pampublikong sementeryo naman, maaaring magsimula sa humigit-kumulang P1,000 ang bayad sa mga apartment-type na nitso, bagaman nag-iiba ang halaga depende sa lokasyon at mga patakaran ng lokal na pamahalaan.

Ang mga ito ay magkakapatong na lugar ng libingan kung saan inilalagay ang mga labi sa magkakahiwalay na puwesto. Mas abot-kaya ang mga ito kumpara sa pagbili ng pribadong lote sa sementeryo.

Gayunman, maaaring limitado ang panahon ng paggamit sa mga nitso. Kapag natapos ang itinakdang panahon, maaaring kailanganing mag-renew ng kasunduan o ilipat ang mga labi, depende sa mga patakaran ng sementeryo.

Bayad sa libing

Hindi awtomatikong kasama sa pagbili ng lote sa sementeryo ang gastos sa mismong paglilibing.

Halimbawa, magkahiwalay ang singil ng sangay ng Manila Memorial Park sa Sucat para sa mga lawn lot at interment package. Saklaw ng huli ang mga serbisyo at kagamitan sa paglilibing, depende sa napiling package.

Para sa paglilibing ng buong katawan sa lupa, nag-aalok ito ng Premier Interment Package na nagkakahalaga ng P120,000 para sa mga regular na customer at Deluxe Interment Package na nagkakahalaga ng P100,000.

Kasama sa Premier package ang anim na tauhan para sa paglilibing, dalawang interment coordinator, limang open-type na tolda, 50 acrylic Tiffany chair, mesa para sa misa, mga pangunahing ayos ng bulaklak, sound system, wireless microphone, mga karpet, at marble marker para sa lawn lot, bukod sa iba pa.

Samantala, kasama sa Deluxe package ang limang tauhan para sa paglilibing, isang interment coordinator, tatlong open-type na tolda, 25 steel Tiffany chair, sound system, wireless microphone, mga karpet, at marble marker para sa lawn lot.

Para sa mga pamilyang mag-aayos ng libing ng senior citizen o person with disability (PWD) na kuwalipikado sa diskuwento, nakalista ang presyo ng Premier package sa P85,714.29 at ng Deluxe package sa P71,428.57.

Nag-aalok din ito ng magkakahiwalay na package para sa mga labi na na-cremate at sa paglilibing sa nitso. Nakadepende ang presyo sa uri ng serbisyo at lugar na paglalagakan ng mga labi.

Halimbawa, nakalista sa P21,500 ang Premier package at P18,500 ang Deluxe package para sa paglalagay ng abo ng yumao sa isang nitso.

Para naman sa niche interment package, nagkakahalaga ang mga ito ng P115,000 at P70,000, ayon sa pagkakasunod.

Ayon sa Manila Memorial Park, nakadepende ang karagdagang gastos sa kondisyon at pagkakaroon ng bakanteng espasyo sa lote, gayundin sa mga serbisyong kakailanganin.

Pinapayuhan ang mga pamilya na tiyakin muna kung may sapat pang espasyo ang kanilang kasalukuyang lote para sa isa pang paglilibing. Kung puno na ito, maaaring kailanganing hukayin at ilipat muna ang mga naunang labi bago makapagsagawa ng panibagong libing.

Para sa kaayusan sa paglilibing, kailangang bayaran muna ang interment fee bago maisagawa ang mga kinakailangang paghahanda. Maaari ding payagan ang paunang bayad na 50% ng kabuuang halaga, basta't mabayaran ang natitirang balanse isang araw bago ang libing.

Pinapayuhan din ito ang mga pamilya na ihanda ang mga kinakailangang dokumento, kabilang ang death certificate ng yumao, burial permit, at pahintulot mula sa may-ari ng lote. Kailangan ding maghanda ng mga valid ID at iba pang dokumento kung kinakailangan.

Cremation services

Iba naman ang mga gastusin para sa mga pamilyang pipili ng cremation sa halip na tradisyonal na libing. Nakadepende ang presyo sa service provider, uri ng mga labi, at kung kasama ang urn o lalagyan ng abo.

Inilista ng Newlife Crematorium and Columbarium Inc. sa Caloocan City ang mga sumusunod na halaga:

  • · P23,500 — cremation na may urn para sa mga hindi senior citizen;
  • · P18500 — cremation na may urn para sa mga senior citizen at PWD;
  • · P14500 — cremation na may urn para sa mga batang edad apat hanggang 11;
  • · P11000 — cremation para sa mga sanggol na edad zero buwan hanggang tatlong taon, na walang urn;
  • · P11,500 — cremation ng mga buto na may urn; at
  • · P16500 — cremation ng dalawang set ng mga buto na may mga urn.

Columbarium vaults

Ang mga pamilyang pipili ng cremation ay maaari ding magbayad para sa permanenteng paglalagakan ng abo ng kanilang mahal sa buhay.

Sa Holy Spirit Church and Columbarium sa Taytay, Rizal, mula P85,800 hanggang P292,100 ang presyo ng mga columbarium vault. Nakadepende ang halaga sa section, basement level, at lokasyon ng vault.

May iba't ibang seksiyon ang pasilidad na may magkakaibang amenities at presyo.

Sa section ng River Jordan, na inilalarawan bilang isang al fresco o premium economy area, mula P85,800 hanggang P133,100 ang presyo ng mga vault.

Sa Nazareth section na may air-conditioning, mula P92,400 hanggang P155,250 ang halaga ng mga ito.

Samantala, nag-aalok ang Cenacle section ng mga vault sa loob ng kapilya. Mula P149,600 hanggang P240,350 ang presyo sa Basement 1, habang mula P157,300 hanggang P292,100 naman sa Basement 2.

Karaniwang mas mahal ang mga vault na nasa eye level, habang may mas murang mga puwesto sa ibang lokasyon.

Nag-aalok ang pasilidad ng hulugang bayad sa loob ng isa hanggang tatlong taon.

Lapida

Kailangan ding maglaan ng pondo ang mga pamilya para sa lapida o grave marker na naglalaman ng impormasyon tungkol sa yumao. Nakadepende ang presyo sa laki nito, materyales, at uri ng pagkakaukit.

Isang supplier na nakabase sa Sta. Cruz, Maynila ang nag-aalok ng computerized marble grave marker para sa mga lawn lot sa mga sumusunod na presyo:

  • 12 x 24 x 3 inches: P3,200
  • 15 x 24 x 3 inches: P4,200
  • 18 x 24 x 3 inches: P4,700

Para naman sa mga marker na ilalagay sa columbarium o crypt, ito ang mga nakalistang presyo:

  • 20 x 30 centimeters: P1,200
  • 30 x 30 centimeters: P1,700

Ginagamitan ng makina ang computerized marble marker sa pag-ukit, kaya mas pantay-pantay ang pagkakasulat ng mga letra kumpara sa mano-manong pag-ukit. Mas matagal din umanong kumupas ang pinturang ginagamit sa mga marker na ito.

Tumatagal nang humigit-kumulang lima hanggang pitong araw ng trabaho ang paggawa nito matapos aprubahan ng customer ang disenyo.

Iba pang gastusin sa araw ng libing

Bukod sa lote sa sementeryo at bayad sa paglilibing, kailangan ding paghandaan ng mga pamilya ang iba pang gastusin sa mismong araw ng libing.

Isa sa mga dapat isaalang-alang ang transportasyon, bagaman hindi palaging nangangailangan ng hiwalay na bayad para sa funeral hearse o sasakyang panghatid sa yumao. Kasama na sa mga funeral package ng San Fernando Funeral Homes ang serbisyo ng hearse.

Pinapayuhan ang mga pamilya na suriin ang mga serbisyong kasama sa napili nilang package dahil maaaring mag-iba ang usapan sa transportasyon at karagdagang bayad depende sa provider at destinasyon.

Maaaring kabilang sa mga gastusing ito ang sasakyang maghahatid sa yumao patungo sa sementeryo, mga bulaklak na gagamitin sa oras ng paglilibing, at transportasyon para sa mga kamag-anak at nakikiramay.

May ilang pamilya ring naghahanda ng pagkain at inumin bago o pagkatapos ng libing, lalo na para sa mga kamag-anak at bisitang dumalo sa libing.

Depende sa nakagawian sa lugar, mga gawaing panrelihiyon, at kagustuhan ng pamilya, maaari pang madagdagan ang kabuuang gastos sa burol at libing dahil sa mga karagdagang pangangailangan.

Pre-paid memorial plans

Para sa mga pamilyang gustong paghandaan nang maaga ang gastusin sa burol at libing, maaaring isaalang-alang ang mga prepaid memorial plan. Sa pamamagitan nito, maaari nang ayusin at bayaran nang maaga ang mga serbisyo sa burol o cremation.

Nagkakaiba ang presyo, paraan ng pagbabayad, mga serbisyong kasama, at saklaw ng insurance depende sa provider at planong pipiliin.

Halimbawa, nag-aalok ang NewLife Memorial Plans ng Silver Plan na sumasaklaw sa tradisyonal na serbisyo sa burol sa halagang P36,400. Maaari itong bayaran nang P688 kada buwan sa loob ng limang taon.

Kasama sa planong ito ang pagkuha sa labi ng yumao, pag-embalsamo, paghahanda sa bangkay, metal casket, mga bulaklak sa burol, at tatlong araw na viewing sa accredited chapel o sa bahay.

Samantala, nag-aalok ang Golden Future Life Plans ng New Tahanan Plan sa halagang P72,000. Kasama rito ang pitong araw na burol sa bahay, metal casket, pagkuha sa labi ng yumao, pag-embalsamo, paghahanda sa bangkay, mga ilaw na gagamitin sa burol, at serbisyo ng hearse.

Nag-aalok din ang St. Peter Life Plan ng mga tradisyonal na funeral plan at cremation plan. Ang St. George traditional plan ay may contract price na P53,000 at may kasamang wood casket na may split-lid cover at buong salamin.

Para naman sa cremation, nagkakahalaga ng P66,000 ang St. James plan. Kasama rito ang buong serbisyo ng cremation, marble urn, mga benepisyo sa insurance, at tatlong araw na viewing sa accredited mortuary chapel o sa bahay.

Para sa mga pamilyang naghahanap ng mas malawak na saklaw ng serbisyo, nag-aalok ang PhilPlans ng Heritage Regular service plan na may contract price na P511,680, kasama na ang value-added tax (VAT)

Kasama sa plan ang pagkuha at paghahanda sa labi ng yumao, pag-embalsamo, imported na metal casket, apat na araw at tatlong gabing burol sa isang regular chapel na kayang tumanggap ng 60 katao, at tulong sa pagkuha ng mga permit at sertipikasyon.

Nag-aalok din ito ng diskuwento para sa isang beses na bayad. Kabilang naman sa mga nakalistang benepisyo sa insurance ang credit life, disability benefit, accidental death and disability, at term insurance. —FRJ GMA News