Nasawi ang apat na alagang aso ng isang pamilya sa Urdaneta, Pangasinan nang masunog ang kanilang bahay nitong Huwebes.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Poblacion nitong Huwebes ng hapon.
Sa CCTV footage, makikita ang isang lalaki na lumabas mula sa bahay at may tinangnan sa bubungan. Doon na niya nakita na nasusunog na ang kanilang bahay.
Kaagad siyang pumasok muli sa bahay para kunin ang pamangkin na isang-taong-gulang. Muli siyang pumasok sa bahay para kunin ang inipon niyang pera na inilalaan sa kaniyang kasal.
Sa kasamaang-palad, hindi na niya nakuha ang pera at hindi na rin nasagip ang apat na aso na kanilang alaga.
Ayon sa lalaki, abala siya sa pagtatali ng panindang bawan sa loob nang may mapansin siyang nahulog sa bubong ng bahay na gawa sa anahaw kaya siya lumabas upang tingnan.
Hindi pa malinaw ang pinagmulan ng sunog at halaga ng pinsala na patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad. –FRJ GMA News
