Binaril, ibinalot sa lambat, nalagyan ng batong pampabigat at saka itinapon sa dagat sa Cebu.
Ito umano ang sinapit ni Bien Unido, Bohol Mayor Gisela Boniel, ayon sa nagmaneho ng bangkang de motor na pinagsakyan sa biktima.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, itinuro ni Riolito Bien ang kaniyang pinsan na si Bohol Provincial Board Member Niño Rey Boniel, na siyang nasa likod ng krimen.
Si Niño Rey ay dating alkalde ng Bien Unido at mister mismo ni Mayor Gisela, na patuloy pa ring hinahanap.
Ayon kay Bien, siya mismo ang nagmamaneho ng pump boat kung saan isinakay ang alkalde bago ito mawalan ng malay.
Nang magising daw ang alkalde, nag-usap daw ang dalawa at saka binaril ni Niño Rey ang asawa.
Pag-amin pa ni Bien, binalot nila ng fishnet ang bangkay ng biktima at kinabitan ng dalawang bato na may 30 kilo ang bigat para hindi lumutang sa dagat.
Ayon kay Bien, binigyan ni Niño Rey ng P10,000 upang hindi magsumbong sa nangyaring krimen.
Sinabi ng pulisya, posibleng gawin nilang state witness si Bien laban sa suspek.
Wala pang pahayag si Niño Rey kaugnay ng pangyayari.
Pansamantala namang itinigil ng mga awtoridad ang paghahanap sa katawan ng alkalde sa malalim na bahagi ng dagat. -- FRJ, GMA News
