Naging viral sa social media ang isang video na makikitang pinaglalaruan ng ilang kabataan ang isang pawikan na napadpad sa baybayin ng Catanauan, Quezon.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas" nitong Martes, makikita sa video na nakatihaya ang pawikan at pilit na itinatayo ng mga kabataan.
Nang maitayo na ang pawikan dito naman inapak-apakan at tinuntungan ang pawikan. Dinadaganan din siya habang pinapalakad na sa dagat.
Wala namang masamang nangyari sa pawikan na pinakawalan din kinalaunan.
Nais paimbestigahan ng nagpadala ng video ang pangyayari dahil na rin sa batas na nagbibigay proteksyon sa naturang hayop.
Ang pawikan ay kabilang sa mga "endangered species" o nanganganib nang maubos na mga hayop.
Pinaiimbestigahan na raw ng pulisya sa Catanauan at Environment Department ang naturang video. -- FRJ,KVD, GMA News
