Kahit maraming sasakyan ang dumadaan, hindi natinag ang salarin sa pagbaril sa isang pulis sa Laguna. Ang nangyaring krimen, nakunan sa CCTV camera.
Sa ulat ng "Balita Pilipinas" ng GMA News nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage ang salarin na naglalakad sa gilid ng kalsada na may suot na sumbrero, may takip na panyo sa mukha at may dalang sako na tila nangangalakal lang.
Hindi nagtagal, dumating na ang biktimang si Senior Police Officer 2 Ricardo Pagua Infante, nakadestino sa Biñan City Police Station na sakay ng motorsiklo.
Pagmenor ni Infante sa mga humps, doon na siya pinagbabaril ng salarin.
Nang matumba ang biktima, pilit pang kinuha ng salarin ang kaniyang service firearm at saka tumakas sakay ng sumundong motorsiklo ng kaniyang kasabwat.
Ayon sa pulisya, matagal nang may natatanggap na death threat si Infante.
Inaalam pa kung sino ang mga nasa likod ng pagpatay. -- FRJ/KVD, GMA News
