Isang "one stop shop" ng mga kabataang gumagamit umano ng droga ang nabisto at sinalakay ng mga awtoridad sa Taytay, Rizal.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing anim ang naaresto sa sinalakay na bahay na bukod sa bagsakan daw ng mga nakaw na gamit ay nagsisilbi ring drug den.

Karaniwang daw na mga kabataan ang nagpupunta sa lugar para ipalit ng droga ang mga naagaw na gamit sa mga biktima.

"Kadalasan po gano'n. Mga kagamitan po, minsan cellphone, mga silver (kwintas) po. Ayun lang po 'yung nakikita ko na ginagawa ng iba (palit droga)," pahayag ng suspek na si Pablito Perez.

Ayon kay Police Supt. Samuel Delorino, hepe ng Taytay Police, "May mga reported sa amin na snatching. At ang mga nahuhuli namin, puro menor de edad. Maaaring ganu'n ang ginagawa nila, nagnanakaw para makabili lang ng pangtustos do'n sa kanilang bisyo."

Nakuha sa mga suspek ang ilang sachet ng hinihinalang shabu at drug paraphernalia, at nahaharap sila sa reklamong paglabag sa Dangerous Drugs Act.

"Kung sakaling mayroon kayong impormasyon ay bigyan niyo kami through text, 'yung community mobilization. Dapat talagang tutukan natin itong illegal drugs na ito," ani Delorino. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News