Hindi naniniwala ang misis ng napatay na sundalo na galing sa Marawi City at pauwi na sa kaniyang pamilya sa Zamboanga na na-"war shock" at nanlaban ito kaya binaril at napatay ng mga pulis.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes,  sinabi ni Metcheall Bartolome, asawa ng nasawing si Corporal Rodilo Bartolome, na itinaas pa ng kaniyang mister ang kamay ng tamaan ng mga pulis.

Miyembro si Bartolome ng 53rd Infantry Battalion na nabilang sa mga nakipaglaban sa mga Maute-ISIS sa Marawi City.

Hindi matanggap ng ginang ang nangyari sa mister na nagtamo ng 11 tama ng bala sa katawan.

Una rito, sinabi ng pulisya na nagtungo ang dalawang pulis sa lugar kung saan nag-aabang naman ng masasakyan ang nakasibilyan na si Bartolome dahil sa sumbong na may namataang miyembro ng gun for hire.

Pagdating umano ng mga pulis sa lugar, kaagad daw nanutok ng baril si Bartolome kaya pinaputukan ng mga pulis at napatay.

Huli na nang malaman nila sa pamamagitan ng ID nito na sundalo ang kanilang napatay.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Armed Forces of the Philippines sa Philippine National Police kaugnay sa sinapit ni Bartolome.

Aalamin naman ng AFP kung nakaranas ng combat stress ang sundalo sa tatlong buwan nitong pagkakadestino sa Marawi.

"Ganu'n din po ang inisyal na impormasyong nakukuha natin sa kanyang mga kasamahan, nang siya'y binigyan ng passes para magpahinga, wala pong nakitang anumang senyales na siya ay may tinatawag na combat stress," ayon kay Brigadier General Restituto Padilla, spokesman ng AFP.

Nagpaalam daw si Bartolome sa kanyang commanding officer na uuwi sa Barangay Monte Alegre sa Aurora, Zamboanga del Sur dahil nasasabik na itong makita ang kaniyang asawa.

Nangako naman ang mga pulis na tutulong sa mga naulila ng sundalo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News