Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lolo sa Taytay, Rizal na ireklamo ng pang-aabuso sa apat na taong gulang na apong babae na pinasukan umano nito ng gunting sa maselang bahagi ng katawan.

Sa ulat ni Dano Tingcungco sa GMA News TV "QRT" nitong Martes,  sinabing dumulog sa Taytay Police ang mga magulang ng bata para ihain ang reklamong object rape laban sa lolo, na tiyuhin ng tatay ng bata.

Kuwento ng ina ng bata, nangyari ang pang-aabuso sa kaniyang anak noong nakaraang linggo.

Wala umano ang ina nang mangyari ang krimen at sa halip ay tiyahin ang kasama ng bata na nilasing umano ng suspek noong Martes ng gabi.

Nang lumabas umano ang tiyahin dahil nasusuka, tatlong oras umanong naiwan na magkasama ang bata at ang lolo nito. Napansin ng tiyahin nang lumabas ang bata sa bahay ay paiika-ika na raw ito ang lakad nito at balisa.

Hindi raw kaagad nagsumbong ang bata sa ginawa ng lolo nito sa kanya at nagsalita lang ito nang makaramdam na ng sakit sa maselang bahagi ng katawan.

Ilang araw din umanong nilagnat at hindi nakakain ang biktima. At nang bumuti na ang lagay ng bata, saka sila pumunta sa presinto para ipasailalim ito sa medico legal examination.

Pinaghahanap na ngayon ang lolo na may-ari umano ng bahay na inuupahan ng pamilya ng biktima. -- FRJ/KVD, GMA News