Isa na namang babae ang naging biktima ng krimen na pinaniniwalaang dahil sa selos. Sa Mandaue City, Cebu, nasawi  ang isang ginang matapos na saksakin sa dibdib ng kaniya umanong sariling mister.

Sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Janet Albarasen, habang kusang sumuko sa pulisya ang suspek na si Felcris Albarasen.

Ayon sa mga kapitbahay, narinig daw nilang nag-aaway ang mag-asawa dakong 11 pm pero madaling araw na nang malaman nila ang nangyaring krimen.

Mayroong siyam na taong gulang na anak ang dalawa pero nais na raw ng babae na makipaghiwalay sa suspek dahil sa pananakit nito at pagiging seloso, ayon sa mga kaanak.

Ayon kay Chief Inspector Aldrin Villacampa, hepe ng Mandaue City police, nakatanggap sila ng impormasyon sa ginawang pagsuko ng suspek sa Lapu-Lapu Police Station 3 kaya doon nila ito naaresto.

Sa presinto, hindi napigilan ng mga kapatid ni Janet ang kanilang galit nang makita ang kanilang bayaw.

"Siya ma'am salbahe na walang katulad. Ilang beses na niyang sinaktan kapatid ko. Pero mahal na mahal siya ang kapatid ko. Bago namatay yung kapatid ko, binugbog siya ng asawa niya at nawalan ng malay nung fiesta ng Mandaue," sinabi ni Gina Jakosalem, kapatid ng biktima.

Gusto ng mga kapatid ng biktima na habambuhay na makulong ang kanilang bayaw.

Pinagsisihan daw ni Albarasen ang nagawa niya sa kaniyang asawa.

Pero giit ng suspek, wala siyang bisyo at ako nagdodroga.

Nang tanungin kung bakit niya pinatay ang misis, tugon niya, "Hindi ko na kinaya."

Basahin: Babae sa Batangas, patay sa saksak ng dating lover; ginang sa Pangasinan, tinaga ng ka-live in

Una rito, isang babae sa Pangasinan at isa pa sa Batangas ang pinaslang din ng kani-kanilang kinakasama nang dahil umano sa selos. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News