Kinilala ng mga kaanak ang isang buntis na natagpuang patay sa isang kalsada sa Urdaneta City, Pangasinan noong nakaraang linggo na unang inakalang lasing lang na natumba sa kalsada. Ayon sa pulisya, pinilipit ang leeg kaya namatay ang biktima.
BASAHIN: Inakalang nakahigang lasing sa kalsada, bangkay pala ng isang buntis
Sa ulat ni CJ Torida sa "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ng mga kaanak ang biktima na si Cherry Ebanada Rullan, 34-anyos, taga-Valenzuela City, at nagtatrabaho bilang therapist sa isang SPA center sa Maynila.
"Ang dahilan po ng kanyang pagkamatay ay ang pagpilipit sa kanyang leeg," ayon kay Police Senior Inspector Madonna Cabiles ng Urdaneta City Police Station.
Napag-alaman ng mga kaanak ni Rullan ang kinaroroonan nito sa barangay Camantiles nang mapanood sa balita ang kaniyang sinapit. Hiling ng pamilya, mahuli ang nasa likod ng pagkamatay ng biktima.
"Umamin na lang siya para matahimik na rin siya, matahimik na rin yung kaluluwa nung pinatay niya, " hiling ng ina ng biktima na si Patricia Ibanaga.
Huli raw nakitang buhay si Rullan kasama ang live-in partner noong nakaraang Setyembre 19, ayon sa mga kaanak ng biktima. Nitong nakaraang Huwebes, nakita na siyang patay.
"Grabe naman yung paggawa sa dating asawa ko nang ganoon. Sabi ko, kahit kailan hindi ko po pinagbuhatan ng kamay 'yun noon nagsasama kami," hinanakit ng dating asawa ng biktima na si Renante Rullan.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang live in partner ng biktima.
Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya para matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng krimen. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
