Isang bangkay ng buntis ang nakita ng mga motorista na nakahandusay sa kalsada sa Barangay Camantiles sa Urdaneta City, Pangasinan. Ang biktima, unang inakala na lasing lang.

Sa ulat ni CJ Torida sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing tinatayang mahigit 30-anyos ang babae na hindi pa batid ang pangalan.

Nakasuot ito ng itim na leggings, puting damit , jacket at nakapusod ang buhok.

"Yung biktima po natin ay nakahiga, parang medyo nakadapa or nakatagilid siya na nakataas yung paa," pagsasalarawan ni Police Senior Inspector Madonna Cabiles, spokesperson ng Urdaneta City Police, sa posisyon ng babae nang makita.

Ayon sa ulat, ilang oras na raw na nasa kalsada ang biktima pero palaisipan pa ang dahilan ng pagkamatay nito dahil walang nakitang sugat sa katawan nito at dugo sa lugar kung saan siya nakita.

"Wala pong traces ng dugo at yun pong bangkay naman wala rin pong any wounds kahit hematoma or gunshot wounds or stab wounds," ayon pa kay Cabiles.

Kung biktima ng krimen ang babae, posibleng itinapon lang daw sa lugar ang katawan nito.

"Kasi ito ang daanan papuntang Dagupan na, maaaring itinapon lang diyan siguro. Wala namang kwan diyan, kung dito tinira eh 'di may dugo diyan," ayon kay Miguel Caoile, tanod ng Barangay Camantiles, Urdaneta City.

Patuloy na iniimbestigahan ang pagkamatay ng biktima. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News