Isang babae at isang lalaking estudyante sa kolehiyo ang nakitang patay sa liblib at madamong bahagi ng Rodriguez, Rizal na suot pa ang kanilang uniporme. Ang babaeng biktima, posibleng ginahasa, ayon sa mga awtoridad.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News TV "State of the Nation with Jessica Soho" nitong Miyerkules, kinilala na ang babaeng biktima na si Charmaine Villarias.

Ayon sa mga awtoridad, nakatali ang kamay at paa ni Villarias, walang saplot pang-ibaba, at may nakapalupot na damit sa leeg.

"Most probably na-rape po 'yun. 'Yung mga guards doon sa area na may sinesecure din sila don, sinabi po nila na they heard a shout asking for help," ayon kay Supt. Hector Grijaldo, hepe ng Rodrigue police.

Samantala, nakagapos naman ang paa ng lalaking biktima at nagtamo ng dalawang saksak sa katawan.

Nakita ang bangkay ng mga biktima sa liblib na bahagi ng Barangay San Jose na puntahan umano ng mga estudyante dahil sa magandang tanawin ng lugar.

"May mga estudyante po talaga na nagpupunta po diyan," ayon kay Edna Atrasado.

Panghoholdap ang isa sa mga anggulong tinitingnan ng mga awtoridad sa krimen dahil nawawala ang pera at cellphone ng mga biktima.

Mayroon nang person of interest ang mga awtoridad na dati na raw nasangkot sa panghoholdap sa lugar.

Dinala ang mga labi ng mga biktima sa Heaven's Gate Funeral Homes sa Antipolo, Rizal.-- FRJ, MA News