Nabulabog ang tahimik na paglalaro ng ilang binatilyo sa isang computer shop sa Calamba, Laguna nang pumasok ang isang lalaki na tila lasing at biglang pinagsusuntok ang isang kostumer.
Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng CCTV camera sa loob ng compoter shop habang abala ang ilang kabataang lalaki sa pagko-computer.
Maya-maya lang, isang lalaki na tila lasing at nakahubad ang dumating at mistulang napagtripan ang isang binatilyong costumer na naglalaro na kaniyang binatukan.
Nang gawin ang pagmbabatok, kaagad na tumalikod ang suspek na kunwaring hindi siya ang may gawa ng pananakit habang napalingon ang mga kabataan.
Nang ilalagay ng biktima ang kaniyang headset ulit para ipagpatuloy ang paglalaro ng computer, doon na siya pinagsusuntok ng suspek.
Walang nagawa ang mga kabataan nang maghamon pa ng away ang lalaki.
Ayon sa uploader ng video na kapatid ng biktima, may hinahanap umanong lalaki ang suspek pero nang hindi niya makita ay ang binatilyo ang napagbuntunan ng galit.
Nagkaayos na umano ang suspek at biktima nang magkaharap sila sa barangay.
Sinagot umano ng suspek ang pagpapagamot sa biktima. -- FRJ, GMA News
