Ligtas na nakita ng mga awtoridad ang isang estudyanteng babae sa Cebu na inakala ng kaniyang pamilya na dinukot. Lumabas sa imbestigasyon na tila nais lang niyang takasan ang nagastos na pera na ipinatago ng dean ng paaralan.
Sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkules, sinabing dumulog sa Carbon Police Station nitong Lunes ang pamilya ng 21-anyos na estudyante para humingi ng tulong.
Nabahala raw ang pamilya sa natanggap na text messages kaugnay sa paghingi ng tulong ng estudyante na nagsabing limang lalaki na hindi niya kilala.
Ayon sa kapatid ng biktima, nakasaad sa ipinadalang text message na hindi niya alam kung saan lugar siya dinala ng mga suspek.
Bukod dito, may mga post din daw sa Facebook account ng estudyante na pinaniniwalaang gawa ng mga tumangay sa kaniya. Nakasaad sa post ang banta na itigil na ang paghahanap dahil kung hindi ay papatayin nila ang dalaga.
Pero sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis, natagpuan nila ang dalaga sa bayan ng Liloan noong Lunes ng gabi.
Dito na rin nila nabisto na gawa-gawa lang umano ng dalaga ang kidnapping para lituhin ang mga naghahanap sa kaniya dahil na rin sa problema sa nagastos na pera.
Sinasabing nagamit umano ng estudyante P4,000 na ipinatago sa kaniya ng dean ng paaralan kung saan siya ay isang working student.
Wala rin daw sugat o palatandaan na sinaktan ang babae nang makita. Isinailalim na rin siya sa medical examination para malaman ang kaniyang kondisyon.
Gayunman, sinabi ni C/Insp. Jacinto Mandal, Jr. hepe Carbon Police, kakasuhan nila ang dalaga dahil sa ginawa nito.
"Sampolan natin siya because this is an order from our regional and city director we will file appropriate charges kung makita natin na mayroon tayong sapat na edidensya," anang opisyal.
Humingi naman ng tawad ang estudyante sa kaniyang nagawa at pinayagan na makauwi sa kaniyang pamilya. -- FRJ, GMA News
