Patay sa pamamaril ng dalawang salarin na nakasakay sa motorsiklo ang isang retiradong pulis sa Calamba City, Laguna. Ang isa sa mga suspek, napatay naman ng kasamahan ng biktima.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Renato Opeña, na dead on arrival sa ospital dahil sa tama ng bala sa likod ng ulo.

Hindi nahagip ng CCTV camera ang mismong pagbaril kay Opeña pero nakita ang dalawang suspek na naka-motorsiklo.

Rumesponde naman ang bodyguard ni Opeña at nabaril at napatay ang nakaangkas na suspek.

Nakunan naman sa CCTV ang isa pang suspek na naglalakad na lang para tumatakas at iniwan na ang kasama.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang at pagkakakilanlan ng suspek.

Nakuha sa crime scene ang ilang basyo, baril at motor na ginamit ng mga suspek.

Samantala, nakita naman kakahuyan sa Calamba City ang bangkay ng 17-anyos na si Reniel Fernandez Magabo.

May mga taga sa katawan, nakadapa at natatakpan ng dahon ng saging ang bangkay ng biktima na nagpaalam umano sa mga magulang na mangangahoy sa gubat.

Patuloy ang iniimbestigahan ng mga awtoridad sa sinapit ng biktima.-- FRJ, GMA News