Nasira ang tiwala ng isang 13-anyos na babae sa kaniyang 22-ayos na pinsang lalaki na itinuring niyang kapatid dahil sa ginawa umanong pagsasamantala sa kaniya habang natutulog sa kanilang bahay sa Cebu. Ayon sa biktima, nagising siya na nasa ibabaw niya ang suspek.

Sa ulat ni Lou Anne Mae Rondina sa GMA News "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabi ng biktimang itinago sa pangalang "Karen," na nangyari ang krimen sa loob ng kanilang bahay sa Talisay City matapos ang inuman kasama ang isa pa nilang pinsan at dalawang kaibigan.

Nauna raw umuwi si Karen at nang magising siya ay nakita niyang nasa ibabaw na niya ang suspek.

"Natutulog na ako noong mga oras na 'yun pag-alas 2 (ng madaling araw) nagising na lang ako. Nasa ibabaw ko na siya tinulak ko siya. Pagbukas ko ng ilaw siya talaga. Sabi niya na patawarin ko siya. Hindi ako nagsalita. Lumabas na lang ako," kuwento ni Karen.

Dahil malapit si Karen sa suspek, tiwala raw ang kaniyang mga magulang kahit silang dalawa lang ang maiwan sa bahay.

"Sino ang mag-iisip [ng masama] na matagal na silang magkasama kada gabi," sabi ng ama ng biktima, na wala sa bahay nang mangyari ang krimen dahil nasa tindahan ito kasama ang asawa.

"Humihingi ako ng tawad. Hindi ko talaga alam ang ginawa ko, sa kalasingan ko noon," paliwanag ng suspek.

Pero desidido ang biktima na ituloy ang pagsasampa ng reklamo sa kaniyang pinsan.

"Kahit na magmakaawa pa ang mama niya sa akin, Inisip ba niya na maawa sa akin?" sabi ni Karen.

Isinailalim na sa medical examination ang biktima at sinampahan na rin ng kasong rape ang suspek.

"No evident injury at the time of examination. Pero ang resulta doesn't mean na walang sexual abuse na nangyari so parang secondary lang ang medical. Hindi lang ito ang basehan so ang statement pa rin ng bata. May explanation ang doctor diyan," paliwanag ni SPO1 Shindey Taboco, Women's Desk ng Talisay City Police.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News