Dalawang pulis ang nasawi, habang 14 katao ang nasugatan—kabilang ang isang kongresista at asawa niyang alkalde— nang may maghagis umano ng granada sa gitna ng kasiyahan ng piyesta sa La Paz, Abra nitong Huwebes ng madaling araw.
Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang mga nasawi na sina Police Officer 3 Carlos Bocaig at PO2 Frenzel Kitoyan.
Napag-alaman na si Bocaig ay kabilang sa mga pulis na sumabak at nakaligtas sa Mamasapano encounter sa Maguindanao.
Kabilang naman sa mga nasugatan sina Abra Representative JB Bernos, at ang asawa niyang si La Paz mayor Menchie Bernos.
Batay sa imbestigasyon, dakong 1:30 am nang may naghagis umano ng granada sa entablado na isinabay sa fireworks display sa ginanap na kasiyahan sa pagdiriwang kapistahan sa lugar.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.-- FRJ, GMA News
