Dalawa ang patay at dalawa ang sugatan sa pagsalpok ng tricycle sa isa pampasaherong bus sa bayan ng Gumaca sa lalawigan ng Quezon nitong Linggo ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Gumaca police, nangyari ang insidente dakong ala una ng umaga sa Maharlika Highway sa Barangay Camohaguin.

Photos from PNP Gumaca


Galing Maynila ang pampasaherong bus ng Raymond Trans patungo sa Bilcol, at galing naman sa bayan ng Buenavista patungong Gumaca ang tricycle.

Kuwento ng driver ng tricycle, nakabig niya ang manibela at napalipat siya ng linya hanggang tuluyang sumalpok sa paparating na bus ang kanyang tricycle.

Dead on the spot ang 18-anyos na babaeng sakay ng tricycle habang dead on arrival naman sa isang pagamutan sa Lopez, Quezon ang isa sa apat na sakay ng tricycle. Wala umanong nasaktan sa mga sakay ng bus.

Nananatili pa rin sa pagamutan ang dalawa pang sugatan sa insidente.

Wasak na wasak ang tricycle at hindi na umano mapakikinabangan.

Hawak na ng pulis-Gumaca ang driver ng bus.  At kahit na umanin ang driver ng tricycle na siya ang sumalpok sa bus, mahaharap pa rin sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide,  physical injury, at damage to property ang driver ng bus.

handa naman raw makipag tulungan ang may ari ng bus sa mga kaanak ng mga namatay at sa mga nasugatan. —Peewee Bacuño/LBG, GMA News