Arestado ang apat na babae at isang lalaki na miyembro umano ng isang grupo ng mga mandurukot sa Mandaue City, Cebu matapos nilang biktimahin ang isang babaeng Russian na namimili sa isang mall.
Sa ulat ni Chona Carreon sa GMA News TV "Balitang Pilipinas" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa isang mall ang isang Russian habang abala sa pagpili ng kaniyang bibilhin.
Hindi nagtagal, apat na babae ang biglang pumalibot sa dayuhan at nagpanggap na namimili rin ng bibilhin.
Habang may kumakausap sa Russian para ipaabot kunwari ang isang produkto na nasa itaas, may isa namang dumikit sa biktima na tila may itinakip sa bag ng dayuhan.
Maya-maya lang, halos saba'y-sabay nang umalis ang mga babae.
Pero tila natunugan ng dayuhan ang modus ng mga babae kaya kaagad niyang tinignan ang kaniyang bag. Nang makita na nawala ang kaniyang wallet, sinundan niya ang mga suspek at nagsumbong sa mga awtoridad.
"Hinabol niya sa labas. Nakita niya na nakasakay ng PUJ kaya sinundan niya. Nagmotor tapos bumaba rin ang mga suspek at kumain," sabi ni Chief Inspector Genilo Veraque, hepe ng Station 2-MCPO.
Bukod sa apat na babae, inaresto rin ang isang lalaki na sinasabing kasama sa grupo ng mga kawatan.
Ayon sa ulat, nagmakaawa ang mga suspek nang arestuhin na kinilalang sina Lorna Tumanda, Abegail Noval, Manuela Palayo, Bernadeth Mejia at Jose Magdayao.
Base sa police records, lumalabas na marami nang nabiktima ang mga suspek.-- FRJ, GMA News
