Isang 12-anyos na lalaki ang binansagan na boy "Spider-Man" dahil sa pagiging matinik na "akyat-bahay" sa isang barangay sa Rizal.

Sa ulat sa Balitanghali, na-huli cam ang bata na umaakyat sa isang bahay sa Barangay Santa Ana sa bayan ng San Mateo nitong Lunes. Mahigit P2,000 umano ang natangay ng bata sa naturang bahay.

Sa CCTV camera footage, mistulang naglalaro lamang sa lansangan ang bata pero naghahanda na pala siya para mag-akyat bahay.

Ayon kay Butchoy Cruz, chairman ng naturang barangay, maraming beses na nilang nahuli si "spider boy" pero wala silang magawa dahil masyado pa itong bata upang makulong.

"Kaya lang wala kaming magawa kasi nga 12 years old, minor. Last year pa namin sakit ng ulo 'yan," sabi ni Cruz.

Isa pang bahay ang inakyat ng bata ngunit hindi niya ito mapasok. Pero pagbaba ng bata, pinagdiskitahan nito ang bike ng may-ari ng bahay na ibinalik din naman niya kalaunan.

"Siguro napagdiskitahan 'yung bike. Walang mapuntahan, walang mapagbentahan, binalik," sabi pa ni Cruz.

Matapos makuhanan, hinuli ng mga taga-barangay ang bata. Ayon sa kanya, ginagastos niya ang mga ninakaw sa pagkain at computer.

Ayon sa barangay, 20 beses nahuli ang bata noong 2017 at sa loob ng tatlong buwan ngayong taon, 10 beses na nila itong nahuli.

Nabatid naman na patay na ang ama ng bata at ang kanyang ina, nakakulong dahil sa pagkakasangkot sa droga.

Sa ngayon ay may isang ginang na umampon sa bata ngunit palagi umanong siyang tumatakas.

"Tinataymingan niya po na tulog na kami, saka siya aalis. Tapos kapag hinanap mo na, malalaman ko na lang nasa barangay," sabi ng ginang na umampon sa bata. —ulat ni Cesar Apolinario/Jamil Santos/ALG, GMA News