Isang kotse na may sakay na buntis at bata ang nabangga ng isang pampasaherong bus sa Clark Air Base sa Pampanga.

Sa ulat sa Balitanghali, ipinakita ang dashcam video ng pagsalpok ng isang bus ng Inner Lane Transport sa kotse sa entrada ng Clark Air Base.

Ayon sa Inner Lane Transport, nawalan daw ng preno ang bus kaya kumabig pakaliwa ang driver at aksidenteng tinamaan ang kotse.

Mabuti na lamang at hindi nasaktan ang mga pasahero ng kotse na na buntis at bata.

Gayunman, nagrereklamo ang drayber ng kotse dahil dalawang buwan nang nakalilipas ay hindi pa sila binabayaran ng kumpanya ng bus sa pinsala.

Enero pa nangyari ang insidente, pero hindi pa raw umaaksyon hanggang ngayon ang bus company.

"Sabi niya po sa amin dapat March 5 babayaran na po nila. Manager's check daw po ang ipambabayad niya. Tapos nu'ng pangatlong linggo po, the following Monday, ang sabi niya po, 'Ah wala pa pong pondo 'yung tseke.'" sabi ni Kerwin.

"Hindi po kami nag-e-escape ng liability sa accident na 'yan. It just so happened hindi pa po prepared ang payment. Hindi na ito aabot ng 2nd week of April," depensa ni Mick Mauleo, HR admin manager ng Inner Lane Transport.

Pinag-aaralan na ng LTFRB ang insidente matapos makita ang video.

Paalala ng mga awtoridad, maging maingat sa pagmamaneho, lalo na ngayong Semana Santa.

Kamakailan, nasawi ang nurse na si Cristine Nikki Velitario sa Nabua, Camarines Sur matapos bumangga ang sinasakyan niyang motor sa isang tricycle.

Sugatan naman ang rider ng motor at ang driver ng tricycle.

Huli na nang malaman ni John Darrell Velitario, ambulance driver, na anak niya pala ang kaniyang nirespondehan.

"May tumawag po sa landline ng Nabua Fire Station. Ayon po pala 'yung nanay ng boyfriend ng anak ko. In-inform po ako na si Nikki nga naaksidente. 'Pagtingin ko po sa nakatalukbong sa kaniya, nakilala ko 'yung anak ko," sabi ng ama ng biktima.

May plano silang ihabla ang rider na umano'y nakainom.

Samantala sa Namlan, Negros Oriental, tatlo ang patay nang magsalpukan ang dalawang motorsiklo, nang kanin ng motor ang isang lane.

Nito lamang nakalipas na Martes ng gabi ay 19 ang namatay at 21 iba pang nasugatan nang mahulog sa bangin ang isang bus ng Dimple Star Transport sa Occidental Mindoro.

Nawalan din umano ng preno ang bus kaya nawalan ng kontrol ang drayber nito na kabilang sa mga nasawi. —Jamil Santos/ALG, GMA News