Patay ang 3-anyos na batang babae sa sunog na sumiklab sa isang bahay sa Lapu-Lapu City sa Cebu noong Miyerkoles.

Sa Ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Mary Julianne Castillano, 3-anyos.

Sumiklab ang sunog Miyerkoles ng hapon habang nagpapahinga ang mga batang Castillano at ang kanilang lola. Wala sa kanilang bahay sa mga oras na iyon ang tatay ng mga bata na si Dante.

Ayon sa panganay na si Geraldene, nahawakan na niya ang kamay ng kaniyang kapatid na si Julianne at hilain na sana niya palayo sa nagliliyab na apoy ngunit nahulog siya sa hagdanan at nabitiwan ang kapatid.
 
Sinubukan pa umano niyang umakyat uli pero nilamon na ng apoy ang nakababatang kapatid.

Kuwento ni Geraldene, na nagising na lamang siya na may apoy na sa ikalawang palapag ng kanilang bahay kung saan sila natutulog.

Dali-dali umano niyang inalalayan ang kaniyang lola pababa. Tapos, isa-isa niyang binalikan ang kaniyang mga nakababatang mga kapatid. Inuna niya ang apat na buwang gulang.

Ayon sa lola, halos inihagis na lamang ni Geraldene ang mga kapatid niya sa kaniya.

Nangbalikan ni Geraldene si Julianne, nahawakan pa umano niya ito sa kamay at akmang hilain na niya ito pababa, naluog siya sa hagdanan at sa muli niyang pag-akyat masyado nang malaki ang apoy at hindi na nakalabas ang 3-anyos niyang kapatid.

Nagtamo ng matinding paso sa braso si Geraldene at aniya, ikinalulungkot niya na hindi niya na isalba si Julianne. —LBG, GMA News