Nakunan ng dash cam ang pambabato ng isang lalaki sa sasakyan na nagdaraan sa Maharlika Highway sa Barangay Lagyo sa Gumaca, Quezon noong May 31, 2018.
Ayon kay Mikee Joy Cabrera, na nag-upload ng video sa Facebook, pauwi na sila sa bayan ng Calauag, Quezon nang mangyari ang pambabato pasado alas-siete ng gabi.
Dahil sa pangyayari ay huminto sila at tiningnan ang windshield ng kanilang sasakyan. Nagkaroon ito ng crack.
Takot raw ang naramdaman nilang lahat sa sasakyan sa nangyari.
Agad silang pumihit pabalik at tumuloy sa police station sa bayan ng Gumaca.
Matapos itong ma-ireport sa pulis ay umuwi na sila sa bayan ng Calauag at bumalik sa Barangay Lagyo kinabukasan kung saan nangyari ang pambabato, na ipina-blotter na nila sa Barangay.
Ayon sa PNP Gumaca, hindi ito ang unang pagkakataon na may mabato sa parehong Barangay. May mga record rin ng pambabato sa pampasaherong bus at iba pang sasakyan.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP Gumaca sa insidente.
—Peewee Bacuño/LBG, GMA News

