Tatlo katao ang nasugatan nang suwagin sila ng isang kalabaw na kakatayin nang magwala ito at nagtangkang tumakas sa Mangaldan, Pangasinan. Ang kalabaw, sa katayan pa rin ang bagsak matapos mapatay ng rumespondeng pulis makaraang ang habulan.
Sa ulat ni Joanne Ponsoy sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabing nakatakda nang katayin ang kalabaw sa slaughterhouse nang bigla itong magwala at makalabas ng katayan.
Unang nabiktima ng kalabaw ang matansero na si John Mark Mulato, na nasuwag sa tagiliran ng katawan. Sunod naman niyang nasuwag sa barangay Bari ang magkasintahang sakay ng motorsiklo.
Nagpatuloy ang paghabol sa kalabaw ng mga empleyado ng katayan, kasama ang mga pulis at residente.
Nang nakorner ang kalabaw sa isang bakanteng lote, hindi pa rin ito malapitan dahil sa pagwawala kaya binaril na ng pulis.
"Ilan na 'yung nasugatan niya, 'yung kalabaw kaya 'yun nalang 'yung option namin. Last option namin para ma-neutralize...hindi na makapag-ano ng ibang tao," sabi ni Police Sr. Insp. Benny Centeno, duty officer ng Mangaldan police.
Kaagad na ibinalik sa katayan ang kalabaw at kinatay.
Sinabi ng namamahala sa katayan na wala namang problema na katayin ang naturang kalabaw dahil maayos naman ang kalusuhan nito maliban lang sa ginawang pagwawala.
Dumaan din umano ang hayop sa meat inspector.
Sinabi naman ng isang eksperto, na may mga bagay na nakakapag-trigger para magwala ang kalabaw tulad ng posibleng dugo na nakita ng hayop sa katayan.-- FRJ, GMA News
