Nakaisip ng kakaibang paraan ang lokal na pamahalaan ng Ligao City, Albay para maingganyo ang kanilang mga kakabayan na itapon nang tama ang basura sa kanilang lugar— ang palitan ito ng grocery o gamit pang-eskuwela.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Ligao ang proyektong Ecological Solid Waste Management Incentive Mechanism kung saan bibigyan ng "points" ang mga tao sa bawat basura na kanilang dadalhin kaugnay ng programa.
"Isa po sa mga gustong mangyari kasi ng city is ma-address 'yung patuloy na pagdami at pag-generate ng basura [sa lugar]," ayon kay Choi Perillo, ESWM Pollution Control Officer.
Sa ilalim ng programa, dapat munang magrehistro ng mga residente sa kanilang barangay para mabigyan ng ecological solid waste management passbook kung saan itatala ang puntos na kanilang makukuha sa mga ibibigay na basura.
Ang mga makakalikom ng 39 puntos, makakuha ng malaking lata ng sardinas. Tatlong instant noodles naman ang makukuha kapag nakalikom ng 22 puntos.
Maliban sa pagbabawas ng basura na kumakalat sa kalye, layunin din ng proyekto na maging responsable ang mga tao sa pagtatapon ng basura
Ikinatuwa naman ng mga residente na naturang proyekto dahil natututo sila sa tamang paraan ng pagtatapon ng basura at makikinabang pa sa makukuhang insentibo.
"Mas maganda po na ipagpalit na lang po sa grocery kaysa sa pera [ang makukuhang basura]. Kasi ang pera po puwedeng ipambili ng luho, pero 'pag grocery po, naka ready na po, hindi na magagalaw," ayon sa estudyanteng si Reniel Narce. -- FRJ, GMA News
