Isang matadero na lagi umanong sinisita sa pag-inom ng alak sa palengke ang nagwala at nanaksak ng nakaalitan niyang magtiyuhin sa Balagtas, Bulacan. Isa kaniyang biktima, nasawi.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang nasawing biktima na si Virgilio Garcia. Sugatan naman ang kaniyang pamangkin na si Ronald Ryan Tamayo.
Ayon sa pulisya, bigla na lang sumugod ang suspek na si Albert Alonzo at inundayan ng saksak si Garcia gamit ang kutsilyong pangtilad nito ng karne ng baboy sa palengke ng barangay Wawa sa Balagtas.
"Itong mga biktima ay kasalukuyang nagtatrabaho dito sa palengke, itong suspek ay biglang sumulpot sa kanilang likuran," ayon kay Police Chief Inspector Restituto Granil, Balagtas-PNP.
Nakatakbo pa umano si Garcia pero nahabol pa rin siya ni Alonzo at muling pinagsasaksak. Matapos nit, si Tamayo naman umano ang isinunod ng suspek.
Naisugod sa ospital ang dalawa pero idineklarang dead on arrival si Garcia, habang nakaligtas naman na si Tamayo na nagtamo ng saksak sa tagiliran.
Ayon sa asawa ng biktimang si Garcia, lagi nilang naabutan ang grupo ng suspek na nag-iinuman sa loob ng palengke na malapit sa kanilang puwesto kaya sinasaway ng kaniyang mister.
Ito ang tinitingnan ng pulisya na dahilan ng galit ng suspek sa mga biktima para saksakin.
Pero depensa ni Alonzo, naghamon ng away ang mga biktima at dinepensahan lang niya ang kanyang sarili.
Gayunman, pinagsisisihan din daw niya ang kaniyang nagawa at humihingi siya ng patawad sa mga kaanak ng magtiyuhin. -- FRJ, GMA News
