Tatlo ang nasawi, kabilang ang isang call center agent, sa magkahiwalay na aksidente na kinasangkutan ng mga motorsiklo sa Maguindanao at Negros Occidental.


Sa ulat ng GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing nasawi ang call center agent na si Dwight Catalogo, nang sumalpok ang sinasakyan niyang motorsiklo sa isang van sa Silay City, Negros Occidental.

Ayon sa pulisya, mabilis ang takbo ng biktima kaya siya sumalpok sa kasalubong na van na dahilan ng kaniyang pagkamatay.

Hindi na umano nagsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima sa driver ng van.

Sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, patay ang dalawang sakay ng isang motorsiklo nang makabanggaan naman nila ang isang SUV.

Sa imbestigasyon ng pulisya,  lumitaw na papunta sa barangay Poblacion ang mga biktima nang mangyari ang aksidente.

Nagtamo naman ng mga galos ang isang empleyado ng munisipyo sa Odiongan, Romblon nang sumalpok ang kaniyang motorsiklo sa isang SUV.

Ayon sa driver ng SUV,  mabilis ang takbo ng motorsiklo at kinain nito ang tinatahak niyang linya sa kalsada.

Napag-alaman na naka-inom umano ang rider, nakipag-areglo na lang na ipagagawa ang sira ng SUV. -- FRJ, GMA News