Patay matapos mahulog sa nagbabagang hukay na ginagawan ng kopra ang 78 taong gulang na si Jesus Rayombong sa Iriga City, Camarines Sur.

Base sa ulat ng pulisya, nagkokopra umano ang apo ni Rayombong nang umalis ito para kumuha pa ng niyog.

Naiwan raw na mag-isa ang biktima at posibleng nadulas sa hukay habang nag-aayos ng nilulutong niyog.

Wala namang nakapansin sa matanda.

Ang pagkakasunog ng biktima, matindi dahil sa mga tumulong mantika mula sa mga ginagawang kopra.

Kaya nang makita ang katawan ng biktima, hindi na halos makilala.

Wala namang nakikitang foul play ang pulisya sa insidente. —JST, GMA News