Patay ang tatlong hinihinalang holdaper matapos nilang makipagengkwentro umano sa mga awtoridad sa Urdaneta City, Pangasinan.

Sa ulat ni Joan Punsoy sa Balita Pilipinas nitong Huwebes, kinilala ang mga napatay na suspek na sina Michael Ocson, Lito Olais at Joward Olais na pawang mga miyembro raw ng "Aping Group," isang grupong kilala umano sa nakawan sa lugar.

"Ah notorious sila sa robbery, holdap, akyat-bahay and carnapping. Nagooperate sila sa 5th and 6th district," sabi ni police Senior Superintendent Rollyfer Capoquian, hepe ng Urdaneta City Police.

Sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Nancamaliran East, mapapansing may lumabas na tricycle sa kaliwang lane at marahan itong lumiko sa kabilang lane. Bahagya itong huminto at umikot pabalik sabay harang sa isa pang tricycle na minamaneho ni Jesus de Guzman.

Dito na nagdeklara ng holdap ang tatlong salarin. Matapos kuhanin ang mga gamit ni De Guzman, tinangay din ng mga suspek ang kaniyang sariling tricycle at iniwan ang tricycle na sinakyan nila sa gilid ng kalsada.

"Nagtaas na ako, 'tapos kinuha na lahat ng kuwan... cellphone, wallet wala naman pong karga 'yung wallet. Nakabonnet po sila, tatlo silang nakabonnet pero dalawa sa akin ang kuwan, kumukuha. 'Yung isa nakasakay na po sa tricycle ko," kuwento ng biktima.

Mabuti na lamang at nakapagreport agad sa pulisya si De Guzman kaya't nagkasa agad ng operasyon laban sa mga suspek.

"Naabutan natin dito sa bypass road 'yung papuntang Nancayasan 'yung mga suspek na instead na sumuko sila dahil nga armado sila, nagpakawala sila ng putok dahil 'yung tricycle na 'yun maabutan talaga sila ng SWAT personnel natin mas mabilis tumakbo 'yung pick-up eh," sabi ni Capoquian. 

Narekober mula sa pinangyarihan ng engkuwentro ang dalawang 9 MM na pistol, isang caliber .45, mga bala at empty shells.

May duda ang pulisya na sangkot din ang mga suspek sa panghoholdap sa Dagupan City.

Nagpaalala naman sila sa publiko na ipagbigay-alam kaagad kung may napapansin silang kilos ng mga hinihinalang kawatan.

"Kung may maramdaman sila na may kakaibang kilos lalong-lalo na sa gabi, ipagbigay-alam kaagad nila sa ating mga kapulisan at ang kapulisan sa Urdaneta ay handang magsilbi ng mahusay at mabilis," sabi ni Capoquian. — Anna Felicia Bajo/RSJ, GMA News