Patay ang magkapatid na tulak umano ng droga sa Tagoloan, Misamis Oriental matapos na manlaban daw sa mga awtoridad. Ang mga suspek, tinangka pa raw hagisan ng granada ang mga pulis pero sila ang nasabugan.
Sa ulat ni Tek Ocampo sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, kinilala ang nasawing magkapatid na sina Jerry at Jeffrey Jandayan, na naging pakay ng buy-bust operation ng mga awtoridad.
Nang matunugan umano ng mga suspek na pulis ang kanilang katransaksyon, nagpaputok daw ang mga ito ng baril.
May granada pa raw ang isa sa mga suspek at sinubukang ihagis sa mga pulis pero sila ang nasabugan.
"Pagtanggal nila sa pin para itapon na sana, hindi pa nabitiwan ng suspek pumutok na kaya natamaan talaga sila ng shrapnel ng granada," ayon kay Senior Police Officer 4 Engilbert Edio, MESPO, Tagoloan MPS.
Isinugod pa sa ospital ang magkapatid pero hindi na sila umabot nang buhay.
Nakuha umano sa crime scene ang 20 pakete ng hinihinalang shabu, dalawang kalibre 38 baril at ang pin ng granada.
Gayunman, hindi naman naniniwala ang isang kaanak ng mga suspek na nanlaban ang magkapatid dahil wala naman daw baril ang mga ito.
Pero iginiit ng pulisya, na nagbebenta rin ng armas ang mga suspek. -- FRJ, GMA News
