Patay ang isang lalaki sa Roxas City, Capiz, matapos siyang barilin ng karelasyon umano ng kanyang asawa, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.

Batay sa salaysay ng isang saksi, kumakain ng balot ang biktimang si Jorly Vim Clavaton at asawa nitong si Edna Mae habang naghihintay ng tricycle nang siya ay barilin ng suspek na sakay ng isang motorsiklo.

Agad na namatay si Jorly matapos tamaan ng bala sa dibdib.

Tumakas naman ang suspek ngunit nakilala siya ni Edna Mae, dahilan upang siya ay mahuli.

Ayon kay PO3 Mary Elizabeth Balgos, crime investigator, "crime of passion" ang tinitignang anggulo sa pagpatay dahil may relasyon umano ang suspek na si Erwin Belo at si Edna Mae.

Posible raw na nagalit si Erwin dahil hihiwalayan na siya ng kanyang karelasyon.

Nakapiit na si Erwin na nahaharap sa kasong murder. Aniya, biktima lamang siya ng "frame up."

Ayon kay Erwin, dati na siyang inutusan ni Edna Mae na patayin ang biktima pero hindi niya ito ginawa.

Wala pang pahayag ang asawa ng biktima.  —KBK, GMA News