Labis ang hinagpis ng mga magulang ng isang Grade 11 student matapos mapatay sa saksak ang kanilang anak sa San Nicolas, Ilocos Norte. Ang mga suspek, menor de edad.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nakaistambay malapit sa isang mall ang biktima kasama ang ilang kaibigan nang mapadaan ang mga suspek na sakay ng motorsiklo kaninang madaling araw.

Inakala umano ng biktima na siya ang tinawanan ng isa sa mga suspek na dahilan para ito magalit at sinuntok ang suspek.

Sa gitna ng kaguluhan, kumuha ng kutsilyo ang isa sa mga sakay ng motorsiko at nasaksak ang biktima sa dibdib at likod.

Dinala sa ospital ang biktima pero binawian din ng buhay.

Naaresto naman sa tulong ng guwardiya ng isang establisimyento ang dalawang suspek na parehong 17-anyos.

Dadalhin sila sa Department of Social Welfare and Development pero sasampahan pa rin ng reklamo.

"Sa batas po natin, kahit minor 'yung nasangkot sa isang insidente, kailangan pa rin po niyang managot sa batas," sabi ni Inspector Daryll Galacia-Deputy, hepe ng San Nicolas Police.

Iginiit naman ng isang suspek na ipinagtanggol lang nila ang kanilang sarili laban sa biktima. Gayunman, humingi sila ng tawad sa pamilya ng biktima.

Nabawi sa suspek ang patalim na ginamit sa krimen at desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng reklamong homicide laban sa mga suspek.-- FRJ, GMA News