Patay ang isang dalagita nang mabundol ng ambulansiya sa Labrador, Pangasinan.

Ayon sa ulat ni Joan Punsoy sa "Balita Pilipinas Ngayon," bigla raw tumawid sa kalsada ang 13-anyos na dalagita na kinilalang si Lyka Lorejas, at saka siya nabundol ng paparating na ambulansya.

Sabi ng driver ng ambulansya, na pabalik na siya sa Bolinao matapos maghatid ng pasyente sa isang Ospital sa San Carlos City.

Giit niya, mabagal ang kaniyang pagpapatakbo.

"May bata po sa gilid na ano, binusinahan ko po ma'am tapos noong nagbusina ako ma'am tumuloy pa rin siyang tumawid," paliwanag ni Eulindo Castrence na driver ng ambulansya.

Ikinasama naman ng loob ng kaanak ng biktima na hindi man lang daw bumaba ang driver para isakay ang biktima sa ambulansya at dalhin ito sa malapit na ospital.

"Hit and run na ang labas noon eh. Kung walang nakaharang na papunta doon sa barangay hall, diretso, magdidiretso yun. Madaming nagsasabi dyan, hinarang ng mga taga-dyan,” sabi ni Tony Pancho na lolo ng biktima.

Ayon sa driver, natakot daw siya na kuyugin siya ng mga residente sa lugar kaya hindi niya hininto ang ambulansya.

Desidido ang pamilya ng biktima na magsampa ng kaso laban sa Castrence.

Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide si Castrence, ayon sa pulis. — Joviland Rita/ LDF, GMA News