Stable na ang kondisyon subalit kinakailangan ng agarang operasyon si Roger Herrero, 27 anyos ng Agdangan, Quezon, matapos raw itong tangkaing i-salvage ng ilang pulis ng Agdangan Municipal Police Station sa Quezon province noong November 1 ng gabi.

Ayon sa kwento ni Herrero, November 1 raw ng gabi ng magpahatid sa Agdangan ang kaibigan na si Aga .

Hinarang raw sila ng isang sasakyan at pinasakay si Herrero na agad pinosasan. Si Aga naman raw ay nakatakas at nakatakbo.

Habang nasa sasakyan raw patungo sa direksyon ng bayan ng Atimonan ay pilit na pinapaamin ng mga humuli kay Herrero, na mga pulis raw pala, na siya ang may kagagawan sa mga nakawan sa Agdangan.

Itinanggi ni Herrero na siya ay magnanakaw, at pagdating raw sa Barangay Lakip sa bayan ng Atimonan, ay pinababa na si Herrero at pilit na pinapatakbo at binaril sa mukha. Bumagsak raw sa lupa si Roger at nagpatay-patayan.

Nang makalayo na ang mga pulis ay nagpilit siyang bumangon. Tinulungan siya ng dumadaang tricycle at dinala siya sa pagamutan sa bayan ng Atimonan, Quezon.

Dahil sa sobrang takot sa mga pulis ay sa NBI Lucena humingi ng tulong sina Herrero.

Nakilala raw at hindi makakalimutan ni Herrero ang mga mukha at pangalan ng dalawa sa apat na dumampot raw sa kanya — si Police Officer 2 Jaymhar Espedido raw ang bumaril sa kanya na kasama si Senior Police Officer 3 Noel Malabayabas at dalawang iba pa.

Lehitimong operasyon

Ayon naman sa hepe ng Agdangan Municipal Police Station na si Police Senior Inspector Willy Mansion, lehitimo raw ang isinagawang operasyon ng Agdangan Police at walang sinasabing tangkang pag-salvage.

Ayon kay Mansion, may nangholdap na dalawang lalaki sa Barangay Binagbag. Pagdating raw ng mga pulis sa lugar, tumakbo raw ang dalawang holdaper sa magkaibang direksyon. Ang isa raw ay nakatakas at si Herrero raw ay nagpaputok ng baril kung kayat pinaputukan rin ito ng mga pulis.

Dagdag ni Mansion, kilalang talamak na magnanakaw raw sa bayan ng Agdangan si Herrero at marami raw ang nagrereklamo dito.

Subalit nang humingi ang GMA News ng kopya ng mga police blotter ng sinasabing mga reklamo laban kay Herrero ay walang maipakita ang Agdangan pulis.

Ayon naman sa mga opisyal ng Barangay Poblacion 1 kung saan naninirahan si Herrero, wala raw itong masamang record sa barangay, at kahit minsan ay hindi nasangkot sa anumang krimen.

Ayon naman sa ilang residente ng Barangay Lakip, Atimonan ay isang putok raw ng baril ang kanilang narinig pasado 8 p.m. at may lalaking sugatan na humihingi ng tulong.

Sa ngayon ay hawak na ng NBI Lucena ang kaso ni Herrero laban sa mga pulis Agdangan. Ayon sa NBI ay may tinatapos na lang raw silang ilang detalye para maisampa na ang kaso.

Sasampahan naman raw ng Agdangan Police si Herrero ng kasong frustrated murder, robbery holdup at illegal possession of firearms.

Nanawagan naman ng katarungan si Herrero at ang mga kaanak nito. Kung may kasalanan man raw si Herrero ay sana raw ay ikulong na lang ito at hindi tangkaing i-salvage.

Nananawagan rin sila ng tulong pinansyal para sa operasyon ng biktima. — DVM/KG, GMA News