Hustisya ang hiling ng isang lalaki sa Agdangan, Quezon sa kaniyang sinapit sa kamay ng mga pulis na bumaril daw sa kaniyang mukha matapos siyang akusahang magnanakaw. Pero ang hepe ng mga inirereklamong pulis, ipinagtanggol ang kaniyang mga tauhan.
Sa ulat ni Lala Roque sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing idinadaan ng biktimang si Roger Herrero sa pagsulat ang kaniyang mga nais sabihin dahil naapektuhan ang kaniyang pagsasalita bunga ng tinamong tama ng bala sa mukha.
Ayon sa asawa ni Herrero, gabi nang mangyari ang insidente at naglalakad lang ang kaniyang mister kasama ang isang kaibigan nang bigla itong hulihin ng mga pulis.
Ipinosas at isinakay umano si Herrero at nakatakbo naman ang kasama niya.
Habang nasa biyahe, pilit daw na pinapaamin si Herrero sa isang insidente ng pagnanakaw na itinanggi ng biktima.
Pagsapit sa Barangay Lakip, pinatakbo raw ng mga pulis ang biktima at saka binaril na tinamaan sa mukha.
Nagpatay-patayan na lang daw si Herrero hanggang makaalis na ang mga pulis.
Agad siyang humingi ng tulong sa isang kalapit na bahay pero hindi siya pinagbuksan. Nadala lang siya sa ospital nang may mapadaan na isang tricycle driver.
Kinilala ng biktima ang dalawa sa apat na pulis na humuli sa kaniya na sina Police Officer 2 Jaymhar Espedido at SPO3 Noel Malabayabas.
Si Espedido umano ang bumaril sa kaniya.
Dahil mga pulis ang inirereklamo, idinulog ng misis ni Herrero ang kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Lucena.
Ang hepe ng mga pulis na si Police Senior Inspector Willy Mansion, nanindigan na lehitimo ang ginawang operasyon ng kaniyang mga tauhan.
Isang rider umano ng motorsiklo ang hinoldap at isa si Herrero sa dalawang suspek na naabutan sa lugar.
Nanlaban din daw si Herrero kaya pinaputukan siya ng mga pulis.
Inakusahan pa nila ang biktima na kilalang magnanakaw umano sa bayan pero hindi lang daw nahuhuli sa akto.
Pero kung ang lider ng barangay ang tatanungin, wala raw anumang masamang record si Herrero sa kanila.
Iginiit din ng ilan niyang kakilala na pagpapadyak umano ang tanging kabuhayan ng biktima.
Patuloy na kumukuha ng detalye ang NBI-Lucena para masampahan ng reklamo ang mga sangkot na pulis.-- Dona Magsino/FRJ, GMA News
