Naaagnas na nang matagpuan sa tabing-dagat sa Samal, Davao del Norte ang pang-ibabang bahagi ng katawan ng isang lalaki. Ang mga awtoridad, hirap sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ng biktima.

Sa ulat ni R-Gil Relator ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Lunes, sinabing ang mga residente sa lugar ang nakakita sa bahagi ng katawan sa gilid ng dagat sa Barangay Catagman.

Baywang hanggang paa lang na bahagi ng katawan at nawawala ang pang-itaas na parte ng katawan ng biktima na may mga sugat na dulot ng pananaga.

Mayroon ding packaging tape ang kaniyang mga paa.

Dahil hindi kompleto ang katawan, hirap ang mga awtoridad sa pagtukoy kung sino ang biktima. Wala rin daw naiuulat sa kanilang lugar na nawawala.

Hinala ng pulisya, maaaring galing sa ibang lugar ang biktima at tinangay lang ng alon kaya napunta sa Samal.

Base sa post mortem examination ng city health physician, dalawang linggo nang  patay ang biktima bago natagpuan.

Patuloy pang inimbestigahan ang insidente. --FRJ, GMA News