Patay ang isang pulis na nag-AWOL (absent without leave) at pinaniniwalaang miyembro ng gun for hire group matapos umanong manlaban sa mga awtoridad na magsisilbi sa kaniya ng arrest warrant sa Sultan Kudarat.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, sinabing ikinasa ng mga pulis ang operasyon para dakpin si Vilmo Fadegorao, 47-anyos, sa Barangay Kinayao, Bagumbayan sa Sultan Kudarat, pero nauwi ito sa barilan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, isisilbi sana ng mga operatiba ang warrant of arrest laban sa suspek, na top 5 most wanted umano sa bayan ng Tantangan South Cotabato.
Nahaharap siya sa kasong murder at paglabag sa Republic Act 10595 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act.
Nakuha sa suspek ang kalibre .38 na baril, bala, sling bag na may laman na dalawang sachet ng pinaniniwalaang shabu.-- FRJ, GMA News
