Lima ang patay, kabilang ang miyembro ng Philippine Navy, nang magsalpukan ang isang kotse at isang tricycle sa San Juan, Batangas.
Ayon sa ulat sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing lumihis sa linya ang kotse at sinalpok ang kasalubong na tricycle kung saan nakasakay ang apat na nasawi.
Nasawi rin ang miyembro ng Philippine Navy na siya umanong nagmamaneho ng kotse.
Sa tindi ng salpukan, nawasak ang buong harapan ng kotse at nagkalat naman sa kalye ang ilang bahagi ng tricycle.
Hinala ng pulisya, nakainom ng alak ang nagmamaneho ng kotse.
“Sa initial investigation nga po, ang may kasalanan po du'n ay 'yung kotse dahil siya po ang umukopa ng linya at siya po ang talagang bumangga sa tricycle,” ani Police Inspector Ferdinand Laureta, Deputy Chief ng San Juan police.
Sugatan din ang tricycle driver at tatlong iba pa niyang sakay, pati na rin ang apat na sakay ng kotse.-- Llanesca T. Panti/FRJ, GMA News
