Isang bumbero ang nasawi at isa pa ang sugatan matapos silang tambangan ng riding in tandem habang sakay ng isang pickup truck sa Calanogas, Lanao del Sur nitong Miyerkules ng gabi.

Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing sakay ang mga biktima-- kasama ang dalawa pang bumbero-- sa pickup nang tambangan sila sa bahagi ng Barangay Bubongaranao.

Nasawi ang 36-anyos na biktima, habang sugatan ang isa pa. Ligtas naman ang dalawa pa nilang kasamahan, kabilang ang isang babae.

Nakatalaga umano ang mga bumbero sa Bureau of Fire Protection (BFP) sa bayan ng Malabang.

Inaalaman ng pulisya kung kaso ng mistaken identity at rido o away ng pamilya ang dahilan ng krimen.

“Puwedeng mistaken (identity) because accordingly yung sasakyan bago lang hiniram pa nila. Baka ‘yon yung target or possibly itong rido sa Malabang area,” ayon kay Lanao del Sur Police Provincial Office Director, Col. Ceazar Cabuhat.

Dalawang persons of interest ang natukoy ng mga awtoridad sa kaso.

“We have two POI’s hindi muna natin masabi kung sino but hopefully the investigation will give us information based doon sa kagabi at sa mga tao,” sabi ni Cabuhat. – FRJ GMA News