Labing apat na aso ang natagpuang patay sa Barangay Bulua sa Cagayan De Oro City.

Ayon sa ulat ni JP Soriano sa Balitanghali, natagpuan ni Lilia Paderanga ang mga aso sa labas ng kanilang bahay. Kasama sa mga namatay ang anim na aso niya.

Ang mga aso ay nasa ilalim ng sasakyan, sa gitna ng kalsada at sa damuhan.

Hinihinala ng mga residente sa lugar na nilason ang mga aso para maging madaling makapagnakaw sa kanilang lugar.

"May nakain daw na karne na nilagyan ng green. Nilagay pa sa isang lalagyan," sabi ni Paderanga.

"Talagang sinadya yun lagyan," dagdag pa niya. —NB, GMA News