Bangkay na nang matagpuan sa maisan sa Laoac, Pangasinan ang isang babaeng sampung-taong-gulang matapos na hindi makauwi ng kanilang bahay.

Sa ulat ni Joanne Ponsoy ng RTV-Balitang Amianan sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Princess Eslava Camat, na hinalay pa umano ng salarin.

Ayon sa ina ng biktima, nagpaalam ang kaniyang anak na lalabas ng bahay noong gabi ng Sabado pero hindi na nakauwi.

Kinabukasan, nakita ang kaniyang bangkay sa maisan na hindi kalayuan sa kanilang bahay na nakababa ang underwear at shorts.

Kinumpirma ng mga awtoridad na ginahasa ang biktima.

Ayon sa ama ng biktima, may sugat sa ulo ang kaniyang anak at may bakas na sinakal pa umano ang bata.

Inaresto naman ng mga awtoridad ang kapitbahay ng biktima na si Raymond Serame, na ayon sa kapatid ng biktima ay huling kasama umano ni Princess.

Pero nang kapanayamin, itinanggi ni Serame ang alegasyon laban sa kaniya.

Mahaharap si Serame sa kasong rape with homicide.--FRJ, GMA News