Isang ina na kasama pa ang menor de edad na anak ang inaresto ng mga pulis matapos ang isang buy-bust operation sa Bacoor City, Cavite nitong Martes.

Nakilala ang suspek na si Nafisah Bora na kasama pa ang kanyang anak na 11 taong gulang, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita ng GMA News nitong Miyerkoles.

Dalawang buwan na raw sinusundan ng mga awtoridad ang suspek.

ADVERTISEMENT

Base sa kanilang mga test buy at surveillance, palagi raw kasama ng suspek ang kanyang anak.

Naaresto ang suspek sa pinto ng sasakyan kung saan naganap ang transaksiyon.

Nakuha sa suspek ang 21 gramo ng hinihinalang high-grade shabu na nagkakahalaga ng mahigit P140,000.

Ayon kay Police Superintendent Vic Cabatingan, hepe ng Bacoor City Police, ginagamit umanong cover ng suspek ang bata para hindi mapaghinalaan, lalo na't may Comelec checkpoints ngayong election period.

Bulto raw ang pagbebenta umano ng suspek at karaniwang parokyano niya umano ay mga tulak sa ibang lugar.

Sa isang follow-up operation, inaresto ng mga pulis ang kamag-anak ni Bora na kinilalang si Japar Renandang.

Itinanggi ng parehong suspek na sangkot sila sa ilegal na droga.

Ayon kay Renandang, papunta lamang siya sa supermarket upang mamili nang siya ay maaresto.

Makikipag-ugnayan daw ang Bacoor City Police sa Department of Social and Welfare Development tungkol sa anak ni Bora. —KG, GMA News