Inulan ng batikos ng netizens ang isang bikini open competition sa Tarlac City dahil sa nagtanggal ng saplot pang-itaas ng ilang kasali habang rumarampa at sumasayaw.
Sa ulat ni CJ Torida ng RTV-Balitang Amianan sa "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, ipinakita ang video sa naturang bikini open sa Barangay Maligaya sa Tarlac City na nakunan ang ilang kandidata na nagtanggal ng bikini top, nagsayaw at tumungtong sa mesa ng mga harado.
Hindi nagustuhan ng ilang residente ang kompetisyon dahil may mga batang kasamang nanood. Pero ilang beses daw nag-abiso ang host ng event na rated "SPG" o strict parental guidance ito.
"Laging nagpapaalala 'yong emcee na SPG. Kaya 'yon 'di namin in-expect na may ganoong sitwasyon na mangyayari," paliwanag ni Armen Halili, kagawad ng barangay.
Hindi rin umano alam ng mga namumuno ng barangay na mayroong hubaran na mangyayari sa bikini open competition.
"Hindi namin alam na doon sa last part magkakaroon ng showdown eh, 'di namin alam na ganun mangyayari. Sa part ng council kung alam lang ng council na mangyayari 'yon 'di namin papayagan," sabi ng treasurer na si Odi Ramos.
Kinondena rin ng City Social Welfare and Development Office ang kalaswaang nangyari sa kompetisyon na paglabag daw sa Republic Act no. 7610 o special protection of children against abuse, exploitation and discrimination act.
Kakausapin umano ng CSWDO ang mga opisyal ng barangay at ang organizer ng event, at makikipag-ugnayan din sila sa Department of Interior and Local Government (DILG). -- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News
